Ang Intelektwalisasyon ng Filipino bilang isang kursong Filipino sa kolehiyo ay nakatuon sa pagpapahalaga at pagsasapraktika ng paggamit ng wikang Filipino sa iba’t ibang larang na nagtataguyod ng makabayang oryentasyon tungo sa pambansa at pandaigdigang kaunlaran (internasyunalismo) bilang kontribusyon ng Filipino sa daigdig ng karunungan.
Tutuon din ang kursong ito sa multi/interdisiplinaryong pag-aaral at paggamit ng Wikang Filipino tungo sa pagiging intelektwalisado nito. Pangunahin sa kursong ito ang paglalapat ng gabay na kaisipang Filipinolohiya sa Intelektwalisasyon ng Filipino bilang ambag ng wikang Filipino sa pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng produksyon ng mga sulatin/materyal/teksto na nakasulat sa Filipino.
Binubuo ang kursong ito ng tatlong bahagi. Una, ito ay tutuon sa pagtalakay sa Intelektwalisasyon bilang isang tuloy-tuloy na proseso ng pagpapaunlad ng wikang Filipino na ginagabayan ng konseptong Filipinolohiya na makatutulong sa pagpapahalaga sa makabansang oryentasyon tungo sa pambansang kaunlaran. Tatanawin at kikilalanin din sa bahaging ito ang mga simulain at kontribusyon ng mga indibidwal at institusyon hinggil sa kalagayan ng Intelektwalisasyon ng Wikang Filipino. Kasama rin sa bahaging ito ang pagsulyap sa mga karanasan ng iba pang bansa sa proseso ng Intelektwalisasyon ng kani-kanilang wikang pambansa. Pangalawa naman ay nakatuon sa paglikha ng mga artikulong pananaliksik hinggil sa mga disiplinang kinabibilangan ng mga mag-aaral gamit ang wikang Filipino. Ang pangatlong bahagi ng kursong ito ay ang produksyon at presentasyon ng mga artikulong pananaliksik hinggil sa mga disiplinang kinabibilangan ng mga mag-aaral gamit ang wikang Filipino sa isang kolokyum o seminar.