Nakatuon ang Araling Panlipunan sa dinamikong ugnayan ng indibidwal at lipunang kaniyang kinabibilangan kabilang ang
pandaigdigang lipunan at mga demokratikong institusyon at istrukturang umaagapay at humahamon sa kanyang pamumuhay. Bilang isang integratibo, interdisiplinaryo at multidisiplinaryong asignatura, gumagamit ito ng iba’t ibang lente at disiplina ng Agham Panlipunan tulad ng heograpiya, kasaysayan, sosyolohiya, agham pampolitika, ekonomiks, at antropolohiya upang higit na mapalawak at mapalalim ang pagsusuri sa panlipunang usapin at ang gampanin ng indibidwal bilang bahagi ng lumalawak na lipunan.
Ang Ika-7 baitang ng Araling Panlipunan ay nakatuon sa pag-aaral sa Pilipinas sa Timog-Silangang Asya. Ang Pag-unawa at pagpapahalaga sa pagiging mapanagutang mamamayan ng ating bansa bilang bahagi ng Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng pagtataya sa mga usaping at isyung pambansa at panrehiyon, gamit ang mahahalagang kaisipan sa heograpiya, kasaysayan, kalinangan, karapatan at responsibilidad, pamumuno at pagsunod, ekonomiya, at likas-kayang pag-unlad.